Bakit Walang Makaimbento ng Time Machine?

This is my first stint, first try, first failure in getting published. Read at your own risk. Hehe!

Download the BWMTM story in PDF file here.

~ Prologo ~

Bakit ba walang makaimbento ng time machine? Kung sakali, sa unang sweldo ko, time machine ang una kong bibilhin. O ako na lang kaya ang gumawa? Hindi naman ako kabobohan.

Naisip ko kasi, sana kaya kong ibalik ang oras. Siguro kung kaya ko talaga, babalikan ko ang aking kabataan noong halos hindi ko pansinin ang init ng araw habang nakikipaglaro ako ng football, sipa at patintero. Iiwasan ko na rin ang maligo sa sapa. Sana’y hindi ako ganitong kaitim.

Ah, kahit sabihin man nilang okey naman ang pagkamorena ko, mas gusto ko pa rin ang kulay nina Ate Cora at Ate Karen. Kahit na si Kuya Anton na sinundan ko at mas matanda lamang sa akin ng isang taon ay maputi. Ang pinanghahawakan ko na lang talaga para hindi ko isiping ako’y isang ampon ay ang type ng aking dugo: AB+ kami ni Kuya Anton. Katipo namin si Nanay.

Babalikan ko rin ang mga oras noong una akong “magkaroon” at susundin ko ang payo ni Lola na ipahid “iyon” sa aking mukha. Siguro’y hindi ako madalas dalawin ng taghiyawat na nag-iwan ng ilang mga bakas.

Pero kung talagang kaya kong ibalik ang oras, una kong babalikan ang mga oras na kasama ko sina Bebs, ang pinakamatalik at masayahin kong kaibigan, si Jonas, ang nagbigay sa aming magkaibigan ng ‘di masukat na pagtitiwala, at si Eli na nagbalanse sa buhay naming natuliro ng kalokohan, saya, pait at luha.

Kung kaya kong ibalik ang oras, hindi sana ako mukhang tanga na kinakausap si Eli habang nakaratay siya’t comatose dahil sa akin.

Dahil masyado akong straight, na lagi kong pinipili ang alam kong tama.

O baka talagang mali ako? At kailangan ko ng time machine para itama iyon?

I-download ang PDF file ng Bakit Walang Makaimbento ng Time Machine.

  1. No comments yet.
  1. No trackbacks yet.